facebook

Move Forward and Never Be Still

Mahal Kong Oryang

Mahal Kong Oryang

  Ang pagsinta ni Gat Andres Bonifacio sa Lakambini ng
Katipunan na si Gregoria de Jesus, na kaniya rin kabiyak, ay walang
hanggan. Pag-ibig na di kailanman lalamlam. 


Sadyang pinagtagpo ng mga alon ang kanilang mga dalampasigan. Upang sa gitna ng
karagatan sila’y magniniig magpakailanman.
1897 Mayo 1

Mahal kong Oryang,  

Mali ka. Hindi kita nakasalubong upang sa dulo ng kalsada, ako ay liliko sa
kanan at ikaw sa kaliwa. Sapagkat saan man tayo dalhin ng ating pakikibaka,
ikaw lang ang aking itatangi at makailang ulit na ihaharap sa pulang bandila.
Hindi tayo nagpalitan ng mga kwento upang sa pinakahuling tuldok ng
pangungusap, ang karugtong ay alingawngaw ng katahimikan. Walang pagod kitang
aawitan ng imnong pambayan, Oryang. Hindi kailanman ako mauubusan ng salita
upang maialay sa iyo bilang mga tula. Maging ang bulong at buntung-hininga’y
magpapahayag ng pagsinta sa tulad mong umiibig din sa bansa. Hindi tayo sabay
na tumawa, nagkatinginan, at tumawa pa nang mas malakas, upang sa paghupa ng
halakhak ay may butil ng luha na mamimintana sa ating mga mata. Loobin man ng
Maykapal na pansamantala tayong magkawalay, tandaan mong ang halakhak at sigaw
ng ating mga kasamahan ay sa akin rin. Hindi ka dapat masabik sa akin sapagkat
ako’y mananatili sa iyong piling. Hindi kita niyakap nang ilang ulit upang sa
pagkalas ng mga braso ko sayo ay maramdaman mong iniiwan kita. Habambuhay akong
magiging tapat sa ating panata, Oryang. Kapara ng binitawan kong sumpa sa
ngalan ng bayan, tayo’y mananatiling katipun, kawal, at bayani ng ating
pagmamahalan. Hindi tayo bumuo ng mga alaala sa umaga, tanghali at gabi upang
sa muli mong paggising ay maisip mong hindi tayo nagkasama sa pakikidigma.
Hindi ko man hawak ang bukas, nais kong tanganan mo ang aking pangako na ilang
ulit kong pipiliing mabuhay at pumanaw upang patunayan sa iyong mali ka. At kung
magkataong ako’y paharapin sa ating anak na si Andres, buo ang loob kong
haharap sa kanya at sasabihin ko sa kanyang mali ka. Hindi ako bumati sa simula
upang sa huli ay magpaalam.

Ikaw ang aking bayan,
Andres


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *